RockYou FXText - Get Your Own

Sweet Zone

Friday, January 25, 2008

Pagbabago

Nanlibre kahapon ang isa sa aking mga kaibigan, si Julz. Kaarawan niya kasi noong isang linggo. Nananghalian kami sa Mang Jimmy’s sa UP Diliman. Ngayon lang kami nagkaroon ng pagkakataon para ipagdiwang ito sapagkat kakatapos lang ng aming mga pagsusulit. 4 na araw ang madugong pagsusulit na iyon. Hindi pa ito nagtatapos. May 3 araw na kadugtong pa sa susunod na linggo. Walang patawad. Hindi talaga biro ang pagmemedisina. Oras at lakas ang kailangan ilaan para sa pag-aaral. Isa itong malaking sakripisyo. Aking ipinagdarasal na sana hindi mapunta sa wala ang aking mga pinaghihirapan. Minsan, hindi ko lang maiwasan na mainis sa aking sarili sapagkat pakiramdam ko hindi pa rin sapat ang aking iginugugol na panahon sa pag-aaral. Bago at pagkatapos ng pagsusulit, parang wala pa rin akong alam. Nagpapatunay lang na hindi talaga ako ang may gawa ng kung anumang mga dumarating na maganda sa buhay ko, gaya ng pagpasa sa aking mga pagsusulit. Pinagpapala lang talaga ako ng aking mahal na Panginoon.

Balik sa aking salaysay…

Matapos kumain, bumalik na ako ng dormitoryo (salamat sa paghatid Stephen!) at nagpahinga ng kaunti. Para sa akin, isa sa pinakamasarap na gawin ay ang matulog. =) Kaya kung ikaw ay isa sa mga taong may pribilehiyong matulog ng 8 oras o higit pa, magdiwang ka! Nagtungo ako ng Robinson’s Place Manila matapos makapagpahinga. Dumaan ako sa aking pinagtapusan ng kolehiyo, sa Unibersidad ng Pilipinas – Manila. Wala pang 2 taon ang lumilipas, madami na rin ang pagbabago sa lugar na iyon…ang lugar kung saan nagsilbing ikalawang tahanan ko sa loob ng 4 na taon. May bagong gusali na malapit sa SSWC. Iyon yata ang magsisilbing bagong College of Allied Medical Profession (CAMP). Pagkalampas ko ng kaunti, nasilayan ko naman ang bagong tambayan para sa mga estudyante ng College of Public Health (CPH). Nakakatuwa. Dati parang isang imbakan ng gamit lamang ang lugar na iyon. Maaliwalas na itong tingnan ngayon. Pagdaan ko ng College of Medicine (CM), napansin ko na may bagong gusali. Kung tama ang pagkakaalala ko, iyon ay ang Gregorio Alturio, Jr. Hall. Tumuloy na ako sa aking destinasyon, ang Robinson’s Place Manila. Matapos ako mamili ng kaunting gamit sa Department Store, naisipan kong lumibot muna doon sa sinasabi nilang Midtown. Hindi pa kasi ako nakakapunta doon magmula ng maitayo iyon. Ako’y namangha sa laki ng Midtown. May halong saya at lungkot ang aking nadarama habang naglalakad sa lugar na iyon. Masaya sapagkat nakakatuwang isipin na may bagong lugar na maaaring pagtambayan, kainan (Gumbo, The Old Spaghetti House, CBTL, at iba pa), at bilhan ang mga Isko’t Iska ng UP-Manila. Malungkot dahil hindi ko na mararanasan iyon.

Sabi nga nila, isang bagay lamang ang permanente sa buhay…pagbabago. Gustuhin man natin o hindi ang mga ito, kailangan pa rin magpatuloy ang daloy ng buhay. At aking ipinagdarasal na sa aking pagbaybay dito sa mundo, may agos man o wala, ay mananatili akong matatag at laging may pag-asa.

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home